Breaking News

Hindi Nire-rebrand ang soberanya ng West Philippine Sea: Chairman Goitia

 

Ipinresenta ng Embahada ng Tsina sa Maynila ang umano’y pagbibigay ng pagkain at tubig ng isang barko ng People’s Liberation Army Navy sa isang mangingisdang Pilipino bilang isang “makataong rescue operation,” at iginiit na ito raw ay may koordinasyon sa panig ng Pilipinas.

 

 

Ngunit mariing itinanggi ito ng Philippine Coast Guard.

 

 

Ayon kay PCG Commodore Jay Tarriela, walang anumang paunang abiso o koordinasyon mula sa panig ng China. Dagdag pa, hindi rin totoo na tatlong araw na palutang-lutang ang mangingisda. Siya ay nakaangkla lamang sa palayo at na-rescue sa loob ng wala pang dalawampu’t apat na oras.

 

 

Higit sa lahat, ang insidente ay naganap sa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas sa Zambales, kung saan walang legal na karapatan ang People’s Liberation Army Navy na mag-operate.

 

 

Ayon kay Dr. Goitia, hindi ito simpleng pagtulong kundi isang pagtatangka umanong baguhin ang naratibo upang tabunan ang mahabang rekord ng pananakot at panghihimasok ng China sa West Philippine Sea.

 

 

Aniya, kahit balutin pa ng makataong pananalita, ang presensyang walang hurisdiksyon ay malinaw na paglabag.

 

 

Kinikilala ng Pilipinas ang kahalagahan ng makataong pagtulong, subalit giit ni Goitia, hindi ito maaaring gawing pahintulot sa iligal na presensya.

 

 

Sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea at ng 2016 Arbitral Award, malinaw umano ang karapatan ng Pilipinas sa nasabing karagatan.

 

 

Sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., iginiit ni Goitia na nananatiling malinaw ang tindig ng pamahalaan: batas at ebidensya, hindi propaganda.

 

 

Sa huli, binigyang-diin ni Goitia na ang West Philippine Sea ay hindi maaaring gawing props sa propaganda.

 

Aniya, ito ay bahagi ng Republika, at ipagtatanggol bilang ganoon.

(JUSTIN GILDO)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *