Iginiit ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia na hindi kayang burahin ng mga kuwento ng Tsina ang karapatan ng Pilipinas sa Scarborough Shoal.
Ayon kay Goitia, ang bagong naratibo ng Tsina na inilalarawan ang sarili bilang tagapangalaga ng kalikasan sa lugar ay isa lamang lumang taktika na binihisan ng bagong salita. Aniya, kahit tawaging “conservation,” hindi nito nababago ang legal na katotohanan.
Binanggit ni Goitia na malinaw na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas ang Scarborough Shoal, batay sa arbitral ruling noong 2016.
Dagdag pa niya, hindi maaaring ituring na ilegal ang mga mangingisdang Pilipino dahil matagal na silang nangingisda sa naturang lugar.
Tinuligsa rin ni Goitia ang mga paratang na ang Pilipinas ang sanhi ng pinsala sa bahura, lalo’t ayon mismo sa ulat ng Tsina, nananatiling maayos ang kalagayan ng coral reefs.
Aniya, dapat ding isaalang-alang ang epekto ng matagal na presensya ng malalaking barko at mga blockade.
Kaugnay ng umano’y pag-angkin ng Tsina sa Palawan, sinabi ni Goitia na ito ay isang kathang-isip na walang batayan sa kasaysayan at batas.
Aniya, malinaw na bahagi ng Pilipinas ang Palawan at kinikilala ito ng pandaigdigang komunidad.
Samantala, pinuri ni Goitia ang tahimik ngunit matatag na paninindigan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasama ang Philippine Coast Guard at Department of National Defense, sa pagtatanggol sa soberanya ng bansa.
Ayon kay Goitia, ang soberanya ay hindi nadedesisyunan sa ingay, kundi sa batas, kasaysayan, at matibay na paninindigan.(JUSTIN GILDO)
