Kinumpirma ni Atty. Ava Mari Ramel ang City Legal Department ng Makati LGU na kanilang babawiin o iwi withdraw ang sinasabing P8.96B midnight joint ventures ng Makati subway projects na nilagdaan noon June 23,2025.
Sa isinagawang pulong balitaan sa lungsod ng Makati sinabi Atty. Ramel, nakatakda silang magsampa ng mosyon sa Singapore International Arbitration Centre (SIAC) sa Hulyo 11, 2025 upang pormal na iatras ang settlement.
Kasabay nito, bumuo ang lokal na pamahalaan ng isang fact-finding commission upang alamin ang umano’y mga iregularidad sa Subway Project at magsagawa rin ng imbestigasyon sa iba pang mga Public-Private Partnership (PPP) projects ng lungsod.
Base sa naunang pahayag, tiniyak ni dating Makati Mayor Abby Binay-Campos na kayang bayaran ng lungsod ang $160 milyong (katumbas ng humigit-kumulang P8.96 bilyon) posibleng obligasyon sa Philippine Infradev Holdings Inc. nang hindi maaapektuhan ang mga benepisyo ng mga residente.
Ayon kay Binay-Campos, batay ito sa aktuwal na gastos ng Infradev na kinumpirma ng PricewaterhouseCoopers (PwC), at hakbang ito upang maiwasan ang mas malaking $1.7 bilyong kaso laban sa lungsod.
Ngunit tinutulan ito ng bagong alkalde at kapatid niyang si Mayor Nancy Binay, na tinawag ang settlement na isang “midnight settlement” na pinirmahan pitong araw bago matapos ang termino ng nakaraang administrasyon.
Pinabulaanan ito ni Binay-Campos at sinabing dumaan sa masusing pag-aaral ang kasunduan upang maiwasan ang mas malaking lugi at mapatatag ang yaman ng Makati.
Iginiit naman ni Atty. Ramil na ang 2025 budget ng lokal na pamahalaan mula July hanggang December ay umaabot lamang P8.4B na hindi kakayanin ng lokal na pamahalaan na bayaran ang naturang kontrata na pinasok ng nakaraang administrasyon.
Dagdag pa ng abugado na ang P8.96B ay maaring magamit sa mga serbisyo na mas mapapakinabangan ng mga residente ng lungsod ng Makati.
( JUSTIN OSDEN)