Breaking News

‎₱143M Smuggled na Sigarilyo, Nasamsam ng PNP; Tangkang Panunuhol, napigilan

‎Nasamsam ng Philippine National Police PNP ang humigit kumulang na ₱143 Million Pesos na halaga ng hinihinalang smuggled na sigarilyo na sakay ng 2 truck sa isang operasyon noong December 17, 2025 sa ilalim ng pangunguna ni Acting PNP Chief PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr.

‎Naharang ang nasabing dalawang trailer truck sa isang Anti Carnapping at Traffic Enforcement Operations ng HPG Special Operations Division, PNP Highway Patrol Group sa ilalim ng pamumuno ni HPG Dir. PBGEN Hansel M Marantan katuwang ang Bureau of Customs sa G. Araneta Avenue Quezon City

‎Sa isinagawang inspeksyon ng mga awtoridad napag alamang rehistrado ang mga trailer truck na may lamang 2,000 kahon ng sigarilyo na undocumented at smuggled.

‎Batay sa paunang imbestigasyon, ang kargamento ay umano’y nagmula sa isang coastal area sa Bauan, Batangas, at patungo sana sa Valenzuela City. Dahil sa laki ng operasyon, agad na nakipag-ugnayan ang HPG sa Bureau of Customs at iba pang ahensya upang masiguro ang maayos na paghawak sa ebidensya at mapalakas ang case build-up nito.

‎Mas lalong lumalim ang kaso nang makatanggap ng kumpirmadong impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa tangkang panunuhol kaugnay ng naimpound na mga truck. Bandang 3:35 ng hapon ng Disyembre 17, nagsagawa ng entrapment operation ang Regional Highway Patrol Unit 3 sa Camp Olivas, Lungsod ng San Fernando, Pampanga.

‎Sa operasyon, umano’y nag-alok ang mga suspek ng ₱5 milyon kapalit ng paborableng aksyon. Tatlong indibidwal ang naaresto at narekober ang marked money. Kinilala ang mga ito bilang Gener Manzanero Gonzales (58), Rogie Aycardo Rueda (40), at Loreto Andal Gertes Jr. (48). Kasalukuyan silang nasa kustodiya ng pulisya habang inihahanda ang kaukulang kaso para sa pagsasampa sa korte.

‎Binigyang-diin naman ni Interior and Local Government Secretary Juanito Victor C. Remulla na hindi papayagan ng pamahalaan ang paggamit ng mga lansangan para sa ilegal na kalakalan at lalong hindi kukunsintihin ang anumang anyo ng panunuhol o panghihimasok sa pagpapatupad ng batas.

‎Para sa PNP, malinaw ang mensahe sa ilalim ng pamumuno ni Chief Nartatez: ang batas ang susundin, hindi impluwensya. Anumang tangkang sirain ang integridad ng kapulisan ay haharap sa mabilis at buong pananagutan sa ilalim ng umiiral na batas.

-JUSTIN GILDO

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *