Breaking News

Pagbubukas ng 2026 Serbisyo Caravan sa Dubai pinangunahan ni first Lady Liza Marcos

Mismo si Unang Ginang Marie Louise “Liza” Araneta Marcos, nag cutting the ribbon kasama sina Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo J. Cacdac at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator PY Caunan, ang hudyat ng pagbubukas ng Bagong Bayani ng Mundo – OFW Serbisyo Caravan, Leg 3 ngayong Enero 10, 2026 sa Conrad Hotel sa Dubai. Dinaluhan nina His Excellency Alfonso Ferdinand Ver, Consul General Ambrocio Brian Enciso III, at mga kinatawan ng siyam (9) na ahensya ng pamahalaan, bilang bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ilapit ang mabilis, maayos, at makataong serbisyo ng pamahalaan sa overseas Filipino workers (OFWs) sa bansang may isa sa pinakamalaking populasyon ng mga Pilipino sa United Arab Emirates.

Sa kaniyang mensahe, binigyang-diin ni Secretary Cacdac na ang OFW Serbisyo Caravan ay hindi lamang pagproseso ng dokumento, kundi isang kongkretong pagpapakita ng malasakit ng pamahalaan sa kalusugan at kapakanan ng mga migranteng manggagawa. Sa isinagawang Caravan, mahigit 100 pasyenteng OFW ang nabigyan ng tulong sa pamamagitan ng MWO-Dubai at OWWA, kabilang ang mga OFW na nakikipaglaban sa cancer, sa tulong ng DMW AKSYON Fund, OWWA e-CARES, SSS disability benefits, at mga programang medikal ng Lab for All ng Unang Ginang, katuwang ang Office of the President–Presidential Action Center (PACe).

Samantala, tampok din sa Serbisyo Caravan ang mga e-government services sa pangunguna ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Aguda, bilang bahagi ng digitalisasyon ng mga serbisyo ng pamahalaan. Kabilang dito ang OFW Pass na naka-integrate sa eGovPH, online employment contract verification, at ang Kumusta Kabayan App. Ayon sa DMW, ang mga inisyatibang ito ay pagpapatuloy ng adhikaing “Red Carpet, Hindi Red Tape” at ng adbokasiya ni dating Secretary Susan “Toots” Ople, na tiyaking ang bawat OFW ay may dignidad, proteksyon, at isang pamahalaang maaasahan saan mang panig ng mundo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *