Breaking News

Mahigit 400 day care workers sa Lanao del Sur binigyang-pugay

LANAO DEL SUR — Kinilala ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) ang mahalagang papel ng mahigit 433 Child Development Workers mula sa Marawi City at mga munisipyo sa 1st District ng Lanao del Sur sa isinagawang Provincial Day Care Workers’ Summit noong June 15, 2025, sa M Bistro, Marawi City bilang bahagi ng pagdiriwang ng BARMM Day Care Workers’ Week.

Layunin ng aktibidad na kilalanin ang mahalagang papel ng mga CDW sa maagang pangangalaga at edukasyon ng mga batang Bangsamoro, gayundin ang pagbibigay ng kaalaman, suporta, at inspirasyon sa kanilang propesyon.

Ginawaran din ng Loyalty Award ang 84 CDWs na may 15 taon o higit pa sa serbisyo. Bawat awardee ay tumanggap ng certificate of recognition bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon sa paglilingkod sa mga bata.

Pitong (7) Child Development Centers naman ang pinarangalan dahil sa kahusayan ng pagpapatupad ng mga Early Childhood Care and Development (ECCD) programs. Ang bawat CDC ay nakatanggap ng Php5,000 cash incentive at certificate of recognition.

Samantala, nagpaabot naman ng pasasalamat sa MSSD at Bangsamoro Government si Emily G. Talon, isa sa mga CDW na pinarangalan mula sa Barangay Amoyong, Wao, na may halos tatlong dekada na sa serbisyo. “𝘔𝘢𝘭𝘢𝘬𝘪 𝘱𝘰 𝘢𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘴𝘢𝘴𝘢𝘭𝘢𝘮𝘢𝘵 𝘯𝘢𝘮𝘪𝘯𝘨 𝘮𝘨𝘢 𝘊𝘋𝘞 𝘭𝘢𝘭𝘰 𝘯𝘢 𝘴𝘢 𝘮𝘰𝘯𝘵𝘩𝘭𝘺 𝘩𝘰𝘯𝘰𝘳𝘢𝘳𝘪𝘶𝘮 𝘯𝘢 𝘗𝘩𝘗 4,000 𝘯𝘢 𝘯𝘢𝘵𝘢𝘵𝘢𝘯𝘨𝘨𝘢𝘱 𝘯𝘢𝘮𝘪𝘯. 𝘔𝘢𝘭𝘢𝘬𝘪𝘯𝘨 𝘵𝘶𝘭𝘰𝘯𝘨 𝘥𝘪𝘯 𝘴𝘢 𝘢𝘮𝘪𝘯𝘨 𝘊𝘋𝘊 𝘢𝘵 𝘴𝘢 𝘮𝘨𝘢 𝘣𝘢𝘵𝘢 ‘𝘺𝘶𝘯𝘨 𝘮𝘨𝘢 𝘴𝘶𝘱𝘰𝘳𝘵𝘢 𝘯𝘨 𝘔𝘚𝘚𝘋 𝘵𝘶𝘭𝘢𝘥 𝘯𝘨 𝘭𝘦𝘢𝘳𝘯𝘪𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘵𝘦𝘳𝘪𝘢𝘭𝘴, 𝘰𝘶𝘵𝘥𝘰𝘰𝘳 𝘱𝘭𝘢𝘺 𝘧𝘢𝘤𝘪𝘭𝘪𝘵𝘪𝘦𝘴, 𝘢𝘵 𝘧𝘦𝘦𝘥𝘪𝘯𝘨 𝘱𝘳𝘰𝘨𝘳𝘢𝘮,” pagsasaad ni Talon.

Tinalakay rin sa summit ang Republic Act No. 12199 o Early Childhood Care and Development System Act na naglalayong palakasin ang propesyonalisasyon ng CDWs, suporta sa CDCs, at mga polisiya sa inclusive education. (Jidday Lucman)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *