Pinangunahan ni Mayor Ruffy Biazon ang pagsisimula ng ‘Brigada Eskwela 2024’ sa Muntinlupa ngayong Hulyo 22.
Binisita ng alkalde ang mga paaralan sa lungsod, kung saan isinagawa ang ceremonial kick-off ng Brigada Eskwela at ang paglagda sa commitment wall.
“Sabi nga, it takes a village to raise a child. Para maisulong ang kapakanan ng kabataan, kinakailangang sama-sama tayong magtulungan,” ayon kay Biazon.
Sabay-sabay na nagsimula ang Brigada Eskwela sa 29 na public schools sa Muntinlupa na pinagtulungan ng Pamahalaang Lungsod, Schools Division Office, Parents-Teachers Association, Philippine National Police – Muntinlupa, AFP Reservists, 1Munti Party, at ang pribadong sektor.
Nag-donate ang Pamahalaang Lungsod ng cleaning supplies, habang pinangunahan ng City Health Department ang dengue prevention activities tulad ng fogging at search-and-destroy operations. Nagsagawa rin ng paglilinis at gardening sa loob at labas ng paaralan, kasabay ng pagtutulungan sa pagpintura ng classrooms at pag-repair ng mga gamit.
Lumagda rin sa Commitment Wall ang lahat ng nakiisa sa aktibidad. Binigyang-diin ni Mayor Biazon ang kahalagahan ng patuloy na dedikasyon sa Brigada Eskwela, “Ang Brigada Eskwela, hindi dapat nalilimita sa opening ng classes. Ang hamon sa ‘tin, magsama-sama tayo para pangalagaan ang kabataan para maging mabubuting mamamayan.”
Prayoridad ng Muntinlupa ang edukasyon alinsunod sa 7K Agenda ni Mayor Biazon. Ngayong taon, mahigit sa 80,000 na mag-aaral ang scholar ng Pamahalaang Lungsod. Magsisimula naman ngayong linggo ang distribution ng school supplies at sapatos sa lahat ng mag-aaral sa public school sa lungsod.