Tuloy-tuloy ang pakikiisa ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa programang LAB for All ni First Lady Liza Araneta-Marcos matapos nating ihandog ang mga ChariTimba at lotto share sa lungsod ng Parañaque nitong Martes, Pebrero 10, 2026.
Sa kabuuan, ipinamahagi ng PCSO ang 1,500 Charitimba na naglalaman ng iba’t ibang pagkain sa mga residente, gayundin ang lotto share na nagkakahalaga ng ₱5,563,327.90 sa Pamahalaang Lungsod ng Parañaque.
Ang ipinagkaloob nating lotto shares sa Parañaque ay sumasaklaw sa panahon ng Hulyo hanggang Disyembre 2025, alinsunod sa Executive Order No. 357 na nagtatakda na ang PCSO ay dapat maglaan ng lotto share sa local government units (LGUs) mula sa charity fund ng ahensya.
Bukod sa mga libreng serbisyong medikal na hatid ng LAB for All, nagsagawa rin ng iba’t ibang inisyatiba ang mga katuwang na ahensya ng pamahalaan para sa mga benepisyaryo ng aktibidad.
Kaya naman patuloy nating sisikapin ang aktibong pakikilahok ng PCSO sa LAB for All bilang bahagi ng ating misyon na mapalawak ang pagpapaabot ng tulong at kawanggawa sa mas maraming kababayan sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos.

