Breaking News

PCSO pinangunahan ang Medical Mission sa Batanes

Serbisyong pangkalusugan mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang personal nating ipinagkaloob para sa mga residente ng Batanes sa pamamagitan ng isang medical mission nitong Biyernes, Marso 27, 2026.

Pinamunuan natin ang inisyatibang ito sa Diptan Elementary School, katuwang si Batanes Governor Jun Aguto at iba pang mga punongbayan ng lalawigan, kung saan inihandog natin ang iba’t ibang serbisyong medikal gaya ng pagbunot ng ngipin, electrocardiogram (ECG), konsultasyon, at pagbibigay ng libreng gamot at vitamins.

Sumailalim din ang 40 na benepisyaryo sa isang diagnostic test gamit ang AI-powered portable X-ray system ng PCSO upang mabigyan sila ng mabilis at de-kalidad na pagsusuri sa kondisyon ng kanilang mga baga. Mahalaga ito para sa kanila lalo na’t limitado ang kanilang access sa mga serbisyo at kagamitang medikal.

Handog din natin para sa ating mga kababayan sa Batanes ang 15 nebulizers at 25 blood pressure apparatus bilang dagdag suporta sa kanilang pamahalaang panlalawigan.

Pormal ding ipinamahagi ang anim na Patient Transport Vehicles (PTVs) sa munisipalidad ng Basco, Itbayat, Ivana, Mahatao, Sabtang, at Uyugan upang mapaigting ang kanilang kapasidad sa pagtugon sa medical emergency cases.

Makakaasa ang publiko na patuloy ang ating pagsuporta sa kanilang pangunahing pangangailangan lalo na’t nakararanas tayo ng krisis sa kasalukuyan. Ipinapangako natin na hindi uurong sa pagtulong ang PCSO anomang hamon ng panahon.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *