Breaking News

CALAX Subsection 3 Bukas na -PBBM

Ni Lane Afable, News Editor

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Lunes ang pagbubukas ng 7.88-kilometrong Cavite-Laguna Expressway (CALAX) Subsection 3, na nagdurugtong sa expressway hanggang sa Governor’s Drive Interchange sa General Trias, Cavite.

Inaasahang magbibigay ito ng mas mabilis at mas maginhawang biyahe patungong Metro Manila.

“I can announce na mabuksan ito starting 12 midnight tonight and for one month, wala na muna toll. So, ‘yung ating mga kababayan, gamitin po ninyo, makita ninyo, maramdaman ninyo na ang malaking ginhawa na dinadala nitong mga ganitong malalaking project,” pahayag ng Pangulo sa pagbubukas ng CALAX Project Subsection 3 sa Governor’s Drive Interchange, Barangay San Francisco, Lungsod ng General Trias, Cavite.

Ang CALAX Subsection 3 (Governor’s Drive Interchange hanggang Aguinaldo Interchange) ay libre para sa lahat ng klase ng sasakyan sa loob ng isang buwan. Magbabayad lamang ang mga motorista ng umiiral na toll fees para sa CALAX Subsections 4 hanggang 8 (Mamplasan sa Biñan, Laguna hanggang Silang Aguinaldo sa Cavite).

Kasama ng Pangulo ang ilang opisyal ng pamahalaan sa pagsakay sa coaster mula sa CALAX Silang Aguinaldo Interchange at nagsagawa ng windshield inspection sa 7.88-kilometrong bahagi ng proyekto.

Dumalo sa okasyon sina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor Remulla Jr., Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Lopez, at Jose Ma. K. Lim, President Emeritus ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC).

Nagpasalamat din ang Pangulo kay Remulla, na isa sa mga nagsulong ng proyekto noong siya ay gobernador pa ng Cavite. Pinuri rin niya ang MVP Group sa pamumuno ni Manuel V. Pangilinan para sa CALAX Project, na ipinatupad ng MPCALA Holdings Inc. sa pakikipagtulungan sa DPWH.

“Kaya’t dinahan-dahan nung the then Governor Jonvic, was one of the main movers of all of these. Kaya’t mabuti naman at ngayon nabubuksan na natin,” said the President.

“Kaya’t nagpapasalamat tayo sa MVP Group at sa lahat ng mga tumulong at I’m sure eh mararamdaman nga natin ang magiging mas mabilis at mas maginhawa na pagbiyahe na papasok sa Metro Manila,” ayon sa Pangulo.

Inaasahang makakabawas ang bagong segment sa pagsisikip ng trapiko at makakapagpaikli ng biyahe mula Biñan, Laguna hanggang General Trias, Cavite sa 26 minuto mula sa dating isang oras, na higit pang magpapatibay sa transport network ng Katimugang Luzon.

Ang Subsection 3 ay nagbibigay ng mas mabilis na alternatibong ruta para sa mga pasahero at negosyo, iniiwasan ang matinding trapiko sa mga lokal na kalsada ng Cavite na patuloy na lumalago bilang industriyal at residensyal na koridor.

“Bubuksan natin itong section, which is about four and a half kilometers. ’Yung dating kalahating oras na biyahe ay magiging five minutes na lang, six minutes, kaya’t malaking bagay ito,” ani Pangulong Marcos.

Dinisenyo upang makapag-accommodate ng 6,000 karagdagang motorista araw-araw, ang CALAX ay kasalukuyang may haba na 26 kilometro mula sa Mamplasan Entry at sa kalaunan ay aabot sa 44.6 kilometro, na magdurugtong sa Manila-Cavite Expressway (CAVITEX) sa Kawit hanggang sa South Luzon Expressway (SLEX) sa Mamplasan.

Ang network ay may walong interchanges: Laguna Technopark, Laguna Boulevard, Santa Rosa–Tagaytay, Silang East, Silang (Aguinaldo), Governor’s Drive, Open Canal, at Kawit.

“At hindi lang kasi mabibilisan eh dahil ma-relieve din ang traffic. At tinitingnan namin doon sa mapa ay ‘yung inaantay natin na matagal na galing dito sa Silang hanggang Kawit na. ‘Yung dati mga dalawang oras, magiging kalahating oras, 45 minutes na lang,” ayon sa Pangulo.

“At ulit, kahit na nagtatrabaho ka sa Taguig, pwede kang nakatira dito sa Cavite. Kaya’t magandang-maganda na matapos na natin ito. This is ten years in the making at pahirapan kasi as usual ‘yung nagiging problema natin sa lahat ng construction ng mga kalsada ‘yung right of way,” dagdag pa ng Pangulo.

Kapag ganap na natapos, inaasahang magsisilbi ang pinagsamang network sa 95,000 sasakyan bawat araw, bilang gulugod ng kalakalan at mobilidad sa rehiyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *