Isa isang pinangalanan ng Palasyo ng Malakanyang ang mga miyembro ng gabinete na apektado ng courtesy resignation na una nang hiniling ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, sibak sa puwesto si Environment Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga.
Ayon kay Bersamin, papalit sa puwesto ni Loyzaga si Energy Secretary Raphael Lotilla.
Sinabi pa ni Bersamin na pahinga muna sa trabaho si Loyzaga o maaring bigyan ng ibang puwesto.
Ayon kay Bersamin, underperformed si Loyzaga sa kanyang trabaho at madalas mag-abroad. Wala naman aniyang isyu ng korupsyon kay Loyzaga.
Inalis din sa puwesto ni Pangulong Marcos si Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Rizalino Acuzar.
Inilipat si Acuzar bilang Presidential Adviser for Pasig River Rehabilitation na may ranggong Secretary.
Papalitan si Acuzar ni DHSUD Undersecretary Ramon “Ping” Aliling.
Si Aliling ay chief executive officer ng Jose Aliling Construction Management Group.
Mananatili naman sa puwesto ang economic team ni Pangulong Marcos.
Ito ay sina:
• Department of Trade and Industry Secretary Cristina Roque
• Department of Finance Secretary Ralph Recto
• National Economic and Development Authority Secretary Arsenio Balisacan
• Department of Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman
• Special Assistant to the President for Investment & Economic Affairs Frederick Go
Hindi rin tinanggap ni Pangulong Marcos ang resignation ni Bersamin.