Dumating na sa bansa ang mga labi ng dalawang Pilipinong tripulante na biktima sa pag-atake ng mga armadong Houthi sa MV True Confidence sa Red Sea.
Personal na sinalubong ng kanilang mga mahal sa buhay kasama ang mga kinatawan ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Migrant Workers (DMW), kanilang manning agency at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang labi ng dalawang tripulante na lumapag sa bansa ngayong Martes ng umaga, July 2.
Matatandaang inatake ng mga Houthi ang bulk carrier MV True Confidence habang naglalayag ito sa Red Sea noong March 6, 2024.
Nagtulong-tulong ang DFA, DMW, kanilang manning agency at OWWA upang maproseso ang pagpapauwi ng mga labi ng dalawa nating kababayan na biktima ng karahasan ng mga Houthi.
Hanggang sa pag-uwi sa kani-kanilang mga tahanan, kasama ng mga kaanak ng dalawang tripulante ang OWWA at iba pang ahensiya ng pamahalaan upang matiyak na maibibigay ang buong tulong at suporta sa kanila. (Bella Gamotea)