Ilulunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Muntinlupa ang RIDE Med o Responsive Integrated Delivery of Essential Medicines, isang libreng delivery service na magdadala ng maintenance medications diretso sa bahay ng mga senior citizens na may edad 80 pataas, pati na rin sa mga bedridden residents edad 60 pataas.
Ayon kay Mayor Ruffy Biazon, layunin ng RIDE Med na mapagaan ang alalahanin ng mga nakatatanda at kanilang pamilya at masiguradong tuloy-tuloy ang kanilang gamutan.
“Hindi natin pwedeng hayaan na ang ating mga lolo at lola, lalo na yung mga hindi na makalakad, ay mapag-iwanan. Serbisyo na ang lalapit sa kanila. Sa RIDE Med, ihahatid na natin ang gamot diretso sa bahay ng senior citizen,” ani Biazon.
Sa ilalim ng programa, makakatanggap ang mga kwalipikadong senior ng buwanang supply ng prescribed maintenance medicines tulad ng Losartan, Amlodipine, Metformin, at Atorvastatin, para sa kanilang hypertension, diabetes, at high cholesterol.
Isasagawa ang paghahatid ng gamot ng mga RIDE Med riders, kasama ang Barangay Health Worker upang masiguradong maayos ang koordinasyon at follow-up.
Para mapabilang sa programa, kinakailangang ang senior ay residente ng Muntinlupa City. Maaari silang iparehistro ng kanilang caregiver o kamag-anak sa barangay health center. May home registration din sa pamamagitan ng pagtawag sa dedicated hotlines ng programa.
Paglilinaw ni Mayor Biazon ang ibang senior citizens, kahit hindi bedridden o wala pang 80 years old, ay maaari pa ring makatanggap ng libreng maintenance medicines basta magparehistro sa “Love ko si Lolo, Love ko si Lola” Program. Maaari nilang makuha ang gamot sa health centers sa kanilang Barangay.
Bahagi ang RIDE Med ng mas malawak na inisyatiba ng Muntinlupa para mapabuti ang access sa healthcare ng mga nangangailangan.
“Ito ang healthcare na umaabot sa mga nangangailangan, kung nasaan man sila,” dagdag ni Biazon.
Para sa mga katanungan at registration assistance, maaaring tumawag sa 0908-208-1044, 0908-725-4288, o 851-3485.