Isang Patient Transport Vehicle (PTV) mula sa donasyon ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), pormal na ipinagkaloob ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa lalawigan ng Pampanga. Ginanap ang pormal na turnover sa Flag Raising Ceremony ngayong araw, Pebrero 23, 2026, sa Provincial Capitol ng lokal na Pamahalaan.
Pinangunahan ni PCSO Assistant General Manager for Charity Sector Atty. Lauro Patiag, kasama si PCSO Pampanga Assistant Branch Manager Roselyn De Castro, ang seremonya ng turnover ng PTV unit. Buong-pusong tinanggap ni Pampanga Vice Governor Dennis Pineda, katuwang ang iba pang opisyal ng lalawigan, ang naturang sasakyan na inaasahang makatutulong nang malaki sa agarang pagresponde sa mga pasyenteng nangangailangan ng medikal na transportasyon.
Ang donasyong ito ay bahagi ng Memorandum of Agreement sa pagitan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), kung saan kabilang ang nasabing Patient Transport Vehicle (PTV) na ipinagkaloob para sa lalawigan.
Taos-pusong nagpapasalamat ang PCSO sa PAGCOR para sa mga donasyong ipinagkaloob nito at naging susi ang ahensiya para maipamahagi sa komunidad na mas nangangailangan.


