By Lane Afable, News Editor
“Napakasaya ang pakiramdam kung makikita ang mga batang pumapasok sa paaralan na may ngiti at kumpiyansa.”
Ito ang damdamin na hayagang ipinahiwatig ni Lawyer Arturo Carlos “Arcal” Astorga ll, presidente ng Federation of BF Homes Associations Inc. (BFFHAI) sa Parañaque City kaugnay sa serye ng pamamahagi ng school supplies sa mga piling mag-aaral ng Sampaloc Site ll Elementary School.
Kasamang matagumpay din na isinagawa sa Villonco at Estrada ang pamamahagi ng mga school supplies para sa mga mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 6 bilang paghahanda sa nalalapit na pagbubukas ng klase.
Tinatayang may kabuuang mahigit sa 350 mag-aaral mula Kinder hanggang Grade 6 ng Sampaloc 2 Elementary School ang nabiyayaan ng school supplies bilang bahagi ng Balik Eskwela Project para sa School Year 2026-2027.
“Hindi man nito masasagot ang lahat ng pangangailangan, umaasa akong kahit sa simpleng paraan ay makatulong tayo sa kanilang paghahanda para sa panibagong school year.
“Sa lahat ng mga estudyante, pagbutihin ninyo ang inyong pag-aaral. Nasa inyo ang kinabukasan.
“Patuloy nating isusulong ang edukasyon at sinisigurong may sapat na kagamitan ang ating mga kabataan upang makapagsimula ng panibagong taon ng pag-aaral nang may kumpiyansa at inspirasyon,” ayon pa kay Atty. Astorga.
Ang inilunsad na programang ito ay naging matagumpay sa tulong ng BF Federation of Homeowners Association Inc., Arcal Cares Foundation, kasama ang mga lider-kabataan na kumakatawan sa Team AAA.
