Ni Lane Afable, News Editor
Nagpakilos si Education Secretary Sonny Angara ng hindi bababa sa PhP3.715 milyon para sa emergency clean-up at clearing funds at nagpaunang maglagay ng libu-libong learning at safety supplies para sa 133 paaralang naapektuhan ng ashfall ng Bulkang Mayon sa Albay, habang nananatili ito sa Alert Level 3.
Nagbigay ang Department of Education (DepEd) ng 850 All-Weather Learning Kits o “EduKahon,” mga N95 face mask, hygiene supplies, printers, papel, disinfectants, alcohol, tissues, at iba pang classroom materials para sa mga apektadong paaralan.
Naglaan din ng virtual learning at teaching kits na nagkakahalaga ng PhP20,000 bawat paaralan sa pamamagitan ng mga partner organization, kabilang ang People in Need.
“Patuloy nating pinakikilos ang lahat ng kinakailangang suporta para mapanatiling ligtas ang ating mga mag-aaral, guro, at paaralan habang nagpapatuloy ang banta ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon,” ani Education Secretary Sonny Angara.
“Kasabay ng agarang pagresponde at paghahatid ng mga learning at emergency supplies, tinitiyak din nating hindi napuputol ang pag-aaral ng ating mga kabataan.”
Sa ulat nitong Mayo 5, dalawang paaralan sa Camalig, Albay—ang Tagaytay Elementary School at Bariw Elementary School—ang kasalukuyang nagsisilbing evacuation centers para sa 172 pamilya o 603 indibidwal, kabilang ang 53 mag-aaral at 10 DepEd personnel.
Sa kabuuan, mayroong 24 na silid-aralan ang ginagamit ngayon bilang tuluyan ng mga evacuees.
Inilunsad din ng DepEd ang Batang Empowered and Resilient Team (BERT) modules at psychosocial first aid interventions upang matulungan ang mga apektadong mag-aaral na makayanan ang epekto ng pag-aalburuto ng bulkan habang tinitiyak ang tuloy-tuloy na pag-aaral sa mga evacuation area at kalapit na komunidad.
Sa pamamagitan ng Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS), pinaigting ng DepEd ang monitoring at coordination efforts kasama ang local disaster risk reduction offices, local government units, at Philippine Institute of Volcanology at Seismology (PHIVOLCS) kasunod ng panibagong insidente ng ashfall simula Mayo 2. Nagdeploy din ang ahensya ng DRRM teams para sa field assessment at reporting sa mga apektadong komunidad.
Patuloy ding nagpapatupad ang mga paaralan sa Albay ng contingency measures upang mapanatili ang pag-aaral, kabilang ang alternative delivery modes, deployment ng self-learning materials, at emergency learning kits para sa mga displaced learners.
Muli ring nagpaalala ang Departamento sa mga paaralan at division offices na tiyaking ligtas ang learning materials at equipment, i-activate ang school DRRM teams, at makipag-ugnayan nang mabuti sa local disaster officials habang nagpapatuloy ang volcanic activity.
Nauna nang nagbabala ang PHIVOLCS na ang Alert Level 3 ay nangangahulugan ng pinaigting na magmatic unrest at posibilidad ng biglaang steam-driven o mapanganib na pagputok. Mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng anim na kilometrong Permanent Danger Zone at sa Extended Danger Zone.
