Mas madali na ngayon mag-upskilling sa mga emerging technologies dahil sa pagtutulungan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at STI College (STI) sa paglulunsad ng Artificial Intelligence (AI) Readiness Training Program. Layon nitong palawakin ang access sa mga future-ready skills at buksan ang mas maraming trabaho para sa mga FIlipino sa buong bansa.
Pinangunahan ni TESDA Deputy Director General Galo Glino III, kumatawan kay Secretary Kiko Benitez, ang launching ceremony sa STI West Negros University, Bacolod City, bilang bahagi ng naisin ng ahensya na magkaloob ng mga pagsasanay sa manggagawang FIlipino na nakahanay sa pandaigdigang pangangailangan ng mga industriya.
Ang programa ay alinsunod sa pangarap ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na bumuo ng future-ready at digitally-empowered na manggagawang Filipino na kayang makipagsabayan sa buong mundo at handa para sa Fourth Industrial Revolution.
Binigyang-diin ni Secretary Kiko Benitez ang kahalagahan ng pagtiyak na may access ang ordinaryong FIlipino sa makabagong teknolohiya.
“Oras na para sumabay tayo sa AI dahil kung hindi, tayo rin ang mapag-iiwanan. Through this new training, we are opening doors for our learners to participate meaningfully in the digital economy and secure better futures for themselves and their families,” ayon kay Sec Benitez. “Artificial intelligence must be a tool that empowers every FIlipino worker.”
Ang inisyatibo ay magbibigay-daan sa mga specialized courses sa ilalim ng Training for Work Scholarship Program (TWSP) kabilang na ang Data Collection and Annotation (Data Science/Artificial Intelligence) Level II, AI Prompting for Automation Level III, at Data Analytics Level III, na dinesenyo para sa mga career sa digital and AI driven economy.
Isinagawa rin ang Training Induction Program (TIP) para sa mga iskolar na nagbibigay oryentasyon sa mga dapat asahan sa training, training structure at professional responsibilities upang matagumpay na matapos ang training.
Kabuuang 50 iskolar mula sa Bacolod CIty ang kalahok sa inisyal na training, 25 ang iskolar sa AI Prompting at 25 Namen sa Data Collection and Annotation.
Inaasahang 3,273 iskolar ang magbebenepisyo sa buong bansa mula Abril hanggang Disyembre 2026.
Ang programa ay bukas sa mga FIlipino citizens, at least 18 years old sa panahon ng pagkumpleto sa training, naka kumpleto ng 10 taon ng basic education o nagtataglay ng ALS Grade 10 certification, physically and mentally fit, kayang makipag-talastasan sa basic English (pagsasalita at pagsusulat) at nagtataglay ng basic computer skills. Bilang pagsunod sa mandato ng TESDA, bibigyang prayoridad ang mga aplikanteng returning Overseas FIlipino Workers (OFWs), displaced workers, unemployed at mga out-of-school youth.
Ang AI programs ay ipapatupad sa Aklan, Bacolod, Bataan, Benguet, Bulacan, Camarines Norte, Cebu, General Santos City, Isabela, Manila, Ilocos Norte, La Union, Laguna, Leyte, Las Pinas, Pampanga, Quirino, South Cotabato, Sultan Kudarat at Tarlac. Ang mga interesadong aplikante ay pinapayuhang makipag-ugnayan sa malapit na TESDA office sa kanilang lugar dahil limitado lamang ang available slots.
Ang AI Readiness Training Programs ay isinasagawa sa pakikipagtulungan ng mga nangungunang educational institution tulad ng STI College, AMA Education System at iba pang partner institutions sa buong bansa.



