Breaking News

1,100 SHS Grads Hired in Labor Day Job Fairs

Ni Lane Afable, News Editor

Bilang pagpapatunay sa husay at kahandaan sa pagtatrabaho ng mga produkto ng K to 12 Program, hindi bababa sa 1,148 Senior High School (SHS) graduates ang matagumpay na natanggap agad sa trabaho o hired on the spot sa isinagawang nationwide Labor Day job fairs.

Ang tagumpay na ito ay mahalagang milestone para sa humigit-kumulang 11,000 SHS graduates na lumahok sa mga job fair. Pinatutunayan nito na ang kasalukuyang kurikulum ay nagbibigay ng agarang landas tungo sa pinansyal na kalayaan at paraan upang maiahon ang antas ng pamumuhay ng kanilang mga pamilya.

“Alinsunod sa adhikain ni Pangulong Bongbong Marcos na palakasin ang sektor ng edukasyon, ang tagumpay na ito ng ating mga SHS graduates ay patunay na tama ang ating tinatahak na landas tungo sa mas magandang kinabukasan para sa kabataang Pilipino,” pahayag ni Education Secretary Sonny Angara.

Binigyang-diin ni Angara na ang pagbibigay ng agarang trabaho ay isang pangunahing estratehiya upang maputol ang siklo ng kahirapan sa bansa.

“Layunin nating mas mapalawak pa ang mga oportunidad na ito upang bawat mag-aaral na magtatapos ng Senior High School ay may sapat na kakayahan at kumpiyansa na makakuha ng disenteng trabaho,” dagdag pa niya.

Naging susi sa tagumpay na ito ang paglalagay ng mga Green Lane ng Department of Education (DepEd) at Department of Labor and Employment (DOLE) noong Labor Day Job Fairs. Sa pamamagitan ng express entry privilege na ito, mabilis na nakapasok ang mga SHS graduates at hindi na kailangang pumila nang mahaba; sapat na ang pagpapakita ng kanilang School ID o Certificate of Completion.

Isa sa mga mapalad na agad na natanggap ay si Angel Balacayo, isang SHS graduate mula sa Pacific Southbay College Inc. sa General Santos City. Sumali siya sa Region 12 job fair na ginanap sa Koronadal City upang makapaghanap ng trabaho at makapag-ipon para sa kanyang pag-aaral sa kolehiyo, matapos pansamantalang mahinto dahil sa kakulangang pinansyal.

Ngayong hired na sa KCC Mall of Gensan, ibinahagi ni Balacayo na malaki ang naitulong ng priority lanes upang mapabilis ang kanyang kauna-unahang job application. “Malaki po ang naitulong ng priority lane noong Job Fair para sa mga Senior High School graduates at sa akin po dahil pinabilis nito ang proseso ng pag-aapply ng trabaho,” aniya.

Ang inisyatibong ito ay karugtong ng matagumpay na rollout ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) noong nakaraang Marso, kung saan mahigit 1,400 SHS at Alternative Learning System (ALS) graduates ang na-hired on the spot sa mga katulad na one-stop hubs.

Sa nasabing Serbisyo Fairs, nasa 5,900 graduates din ang nakakuha ng mga libreng pre-employment documents gaya ng NBI at police clearance. Ito ay alinsunod sa First Time Jobseekers Assistance Act (Republic Act No. 11261), kung saan si Secretary Angara ang nagsilbing principal author noong siya ay nasa Senado pa.

Isinusulong ng batas na ito ang suporta ng gobyerno para sa mga kabataang nais pumasok sa workforce sa pamamagitan ng pag-aalis ng bayad sa mga dokumentong kinakailangan sa trabaho.

Sa pag-alis ng mga gastusing ito, tinitiyak ng DepEd na ang diploma sa high school ay direktang magbubunga ng katatagang sosyo-ekonomiko at mas magandang kinabukasan para sa mga pamilyang Pilipino.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *