Breaking News

Kandidatura ni Direk Lino Cayetano, nabulilyaso

 

Sa desisyong ipinalabas ng Regional Trial Court ng Taguig Branch 153 nitong Marso 5, 2025 iniutos nito na hindi isama ang pangalan nina dating Mayor Lino Cayetano at kanyang asawang Fille Cayetano sa opisyal na listahan ng kwalipikadong botante ng Precinct No. 0926A, Barangay Ususan, LungsodTaguig.

Sa 14-pahinang desisyon, natiyak ng RTC Taguig na kulang sa 6 na buwan ang paninirahan na mag-asawang Cayetano sa Barangay Ususan na binibilang mula sa petsa ng eleksyon ngayong Mayo 12, 2025.

Sa pagtimbang ng korte sa ebidensiya ng mag-asawa at ebidensiya ng mga tumututol sa kanilang tangkang pagrehistro sa Barangay Ususan, sinabi ng korte na hindi napatunayan ng mag-asawa na residente sila ng nasabing barangay ng may 6 na buwan bago ang nalalapit na eleksyon. Tanggapin man ng korte ang alegasyon na nanirahan sila sa Pacific Residences sa Brgy. Ususan noong 2022, malinaw din sa mga dokumento na lumipat sila noong 2023 sa Essensa Condominium sa BGC at bomoto sa Brgy. Fort Bonifacio noong nakaraang Barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE). Ang pag-upa nila ng unit sa Essensa Condominium sa BGC at pagboto sa Brgy. Fort Bonifacio ay patunay na hindi na nila itinuturing ang sarili nila bilang residente ng Brgy. Ususan.

Hindi pinaniwalaan ng korte ang alegasyon ng mag-asawang Cayetano na sa kabila ng paninirahan nila sa Essensa Condominium ay residente pa rin sila ng Brgy. Ususan. Ang kanilang alegasyon daw ay walang matibay na ebidensiya. Ang isinumite nilang Contract of Sub- Lease sa Pacific Residences ay may petsang Disyembre 10, 2024 lamang o hindi aabot ng 6 na buwan bago ang eleksyon sa Mayo 12, 2025.

Bukod dito, nagtestigo sa korte ang kanilang driver/security aide mismo na umaming naninirahan ang mag-asawa sa Essensa Condominium noong Nobyembre 2024. Binigyang bigat din ng korte ang testimonya ng Punong Barangay ng Ususan na hindi residente ng kanilang barangay ang mag-asawang Cayetano. Kung susundin man ang argumento ng mag-asawa na ang Kalihim ng Barangay ang nagtatala ng listahan ng mga residente ng barangay at hindi ang Punong Barangay, marapat sanang kinuha nila ng deklarasyon ng Kalihim ng Barangay bilang pagsalungat sa deklarasyon ng Punong Barangay.

Dahil hindi napatunayan ng mag-asawa ang kanilang alegasyon na residente sila ng Brgy. Ususan sa loob ng 6 na buwan bago ang parating na halalan, sinang-ayunan nito ang Election Registration Board(ERB) sa resolusyon nitong tanggihan ang hiling ng mag-asawa na ilipat ang kanilang rehistrasyon bilang botante ng Brgy. Fort Bonifacio patungo sa Barangay Ususan. Inatasan ang ERB ng Taguig na huwag isama sa opisyal na listahan ng mga botante ng Precinct No. 0926A, Barangay Ususan, Lungsod Taguig sina Lino Cayetano at Fille Saint Merced Cayetano.

Dahil sa desisyong ito ng RTC Taguig, nadiskaril ang kandidatura ni Lino Cayetano na nagnanais maging Kongresista ng First District ng Taguig at Pateros. Bagaman maari siyang bomoto sa Second District ng Taguig (sapagkat residente siya ng Brgy. Fort Bonifacio), magiging hadlang ang desisyon ng RTC ng Taguig sa kanyang kandidatura bilang Kongresista sa First District ng Taguig at Pateros na kinabibilangan ng Brgy. Ususan.

Ang desisyon ng RTC Taguig ay pinĂ¡l na at agarang ipapatupad.

About The Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *