Breaking News

3-Term School Calendar sa SY-2006-2007

By Lane Afable, News Editor

Aktibong nakikipag-ugnayan ang Department of Education (DepEd) sa mga stakeholder upang muling ipinaliwanag ang mga pangunahing katangian ng three-term school calendar na ipatutupad simula School Year 2026–2027, at bigyang-diin na layunin ng repormang ito na isaayos ang paggamit ng oras para sa pagtuturo at pagkatuto sa mga paaralan.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, bahagi ang pagbabagong ito ng mas malawak na hakbang upang tugunan ang matagal nang hamon sa school calendar, kabilang ang mga pagkaantala na nakaaapekto sa tuloy-tuloy at epektibong pagkatuto.

“The objective is to ensure that learning is delivered in a more organized and consistent manner throughout the school year,” pahayag ni Angara.

Sa ilalim ng three-term school calendar, hahatiin ang school year sa tatlong malinaw na termino, na may Opening Block sa simula ng school year para sa learner profiling, assessment, at kahandaan ng paaralan.

Ang bawat term ay may Instructional Block na nakatuon sa tuloy-tuloy na pagtuturo at pagkatuto; at End-of-Term Block para sa academic intervention, paglalagom ng pagkatuto, at professional development ng mga guro.

Layunin ng istrukturang ito na magbigay ng mas mahabang panahon para sa pagtuturo nang walang abala, upang mas maayos ang pacing at mas epektibong maihatid ang mga aralin.

Ipinaliwanag ng DepEd na tugon ang reporma sa mga paulit-ulit na pagkaantala na nakaaapekto sa oras ng pagtuturo, kaya kinakailangan ang isang mas organisadong academic calendar na sumusuporta sa tuloy-tuloy na pagkatuto.

Sa pamamagitan ng malinaw na pag-aayos ng school year sa mga tiyak na bahagi, layunin ng Kagawaran na tiyakin ang mas tuloy-tuloy at nakatuong oras sa pagtuturo, maglaan ng tiyak na panahon para sa remediation at suporta sa mga mag-aaral, at ayusin ang mga gawain o aktibidad sa paaralan at tungkulin ng mga guro sa buong taon.

Ipinapakilala rin ng three-term school calendar ang nakatakdang breaks sa pagitan ng mga termino, na nagbibigay ng panahon sa mga guro para sa lesson planning, assessment, at iba pang gawaing propesyonal na sumusuporta sa mas epektibong pagtuturo sa silid-aralan.

Binigyang-diin ng DepEd na ang repormang ito ay hindi paglipat sa trimester system, kundi isang pagsasaayos ng kasalukuyang school year sa tatlong grading periods, habang nananatili ang parehong mga asignatura at kurikulum.

Nilinaw rin ng Kagawaran na ang three-term school calendar ay ipatutupad sa mga pampublikong paaralan, habang ang mga pribadong paaralan ay may kalayaang magpatupad ng sarili nilang academic calendar, basta’t sumusunod sa umiiral na pamantayan ng kurikulum at kinakailangang bilang ng school days.

Ang pagbuo ng polisiya ay dumaan sa mga konsultasyon sa iba’t ibang antas ng Kagawaran at paaralan, kabilang ang pakikipag-ugnayan sa mga guro, school leaders, at iba pang stakeholders.

Bilang bahagi ng implementasyon, nagsagawa na ang DepEd ng mga orientation para sa Regional Offices at Schools Division Offices, at kasalukuyan nang isinasagawa ang orientations para sa mga school heads at guro sa buong bansa upang gabayan ang mga paaralan sa mga pagbabago sa assessment, lesson planning, at iba pang operasyonal na aspeto ng bagong school calendar.

Binigyang-diin ng DepEd na ang three-term school calendar ay bahagi ng mas malawak nitong pagsisikap na palakasin ang learning delivery at pagbutihin ang basic education.

Dagdag pa ng Kagawaran, patuloy nitong imo-monitor ang implementasyon at pag-aangkop ng polisiya batay sa feedback mula sa mga paaralan upang matiyak na epektibo nitong nasusuportahan ang mga mag-aaral at guro.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *