Sibak na sa puwesto ang isang school principal na nag-viral sa social media matapos ipatanggal ang suot na toga ng mga estudyante habang isinasagawa ang graduation ceremony sa Antique.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro, agad na kumilos si Education Secretary Sonny Angara matapos ang utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sibak sa puwesto si Venus Divinia Nietes, principal ng Col. Ruperto Abellon National High School sa Laua-an, Antique
“Dahil na rin po sa naging direktiba po ng Pangulo, agaran pong kumilos ang ating secretary, DepEd Secretary Sonny Angara, at ang sinasabing pong guro ay tinanggal na po bilang principal sa nasabing eskwelahan,” pahayag ni Castro.
Ipinauubaya naman aniya ng Palasyo ng Malakanyang sa Department of Education ang pagpapasya kung tatanggalan ng lisensya ang principal.
“Allowed pa rin po siya and titignan pa rin po kung anong klase ang kanyang behavior,” sagot ni Castro sa tanong kung papayagan pa rin na makapagturo si Nietes o kung ililipat sa ibang eskwelahan.
Ayon kay Castro, pending pa ang pagsasampa ng kasong administratibo laban kay Nietes dahil nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.
