By Lane Afable, News Editor
Naghain ng panukalang batas si Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan upang matiyak ang permanenteng pagmamay-ari ng pamahalaan sa mga lupang kinatitirikan ng mga pampublikong paaralan na kasalukuyang walang titulo.
Sa ilalim ng House Bill (HB) 9477, bibilisin ang pagpapatitulo at pagpaparehistro ng mga lupain sa pangalan ng Department of Education (DepEd) upang maiwasan ang mga legal na aberya sa pagpapatayo at pagkukumpuni ng mga silid-aralan.
Inihain ni Yamsuana ang panukala kasunod ng direktiba ni DepEd Secretary Sonny Angara na magsagawa ng “structural safety inspection” sa mga paaralang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao nitong Lunes.
Ayon sa mambabatas, hindi mareresolba ang kakulangan sa silid-aralan kung patuloy na magkakaroon ng problema ang pagmamay-ari ng lupa dahil sa kawalan ng dokumento.
Sa ulat ng Edcom II, nasa 122,000 silid-aralan na sa bansa ang lumagpas na sa kanilang lifespan at nangangailangan ng agarang rehabilitasyon o retrofitting.
Upang mapabilis ang proseso, itinatakda ng HB 9477 na ituring na pormal na pagmamay-ari ng DepEd ang mga lupang ginagamit na bilang paaralan sa loob ng sampu o higit pang taon.
Binibigyan din nito ang DepEd ng kapangyarihan na ariin ang mga pribadong lote na kasalukuyang kinatitirikan ng mga eskwelahan sa pamamagitan ng expropriation o pagbabayad ng tamang halaga sa may-ari.
