Breaking News

Dagdag sahod sa mga manggagawa, tinitimbang ni PBBM

Aminado si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tinitimbang pa ng pamahalaan ang pagbibigay ng dagdag sahod sa mga manggagawa.

Sa talumpati ni Pangulong Marcos sa ika-123 na Araw ng Paggawa sa SMX Convention Center sa Pasay City, sinabi nito na kinakailangan na busisiin ng husto ang posibleng magiging epekto sakaling magtaas ng sahod para sa mga manggagawa.

Bagama’t masarap aniyang pakinggan ang matatamis na pangako subalit dapat pa rin timbangin ang magiging epekto nito sa negosyo, trabaho at ekonomiya kaya kailangang masusing pag-aralan ito.

“Sa usapin ng pagtaas ng suweldo, masarap pakinggan ang matatamis na mga pangako ngunit ang mga ito ay may epekto sa paglago ng negosyo, trabaho at ekonomiya kayat kailangan na pag-aralan nating mabuti,” pahayag pa ng Pangulo.

Naririnig aniya ng pamahalaan ang mga panawagan at hinaing ng mga manggagagwa para sa dagdag-sahod kaya tinutugunan ito ng regional tripartite wages and productivity board.

Bawat rehiyon aniya ay mayroong pamantayan sa pagtataas ng sahod kaya ito ang masusing tinututukan ngayon upang matukoy kung magkano ang dapat na idagdag sa kasalukuyang sahod ng mga manggagawa.

Tiniyak naman ni Pangulong Marcos sa mga mangaggawa ang kanilang proteksiyon at kapakanan habang isinusulong ang pagpapalago sa kabuhayan at ekonomiya ng bansa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *