Breaking News

PBBM saludo sa mga manggagawang Pinoy

Haligi ng pag-unlad ng bansa ang mga Filipinong manggagawa.

Pahayag ito ni Pangulong Marcos bilang
pagkilala sa mga manggagawa sa bansa ngayong araw ng Labor Day.

Sa mensahe ng Pangulo, ipinaabot niya ang kanyang pagbati at taos-pusong pasasalamat sa lahat ng manggagawang Filipino, na aniya’y tunay na haligi ng pag-unlad ng bansa.

Pagtitiyak ni Pangulong Marcos, patuloy ang mga proyektong magsusulong sa paglago at kasaganahan ng mga manggagawa—hindi lang bilang tungkulin, kung hindi bilang pasasalamat at pagkilala sa kanilang halaga at sakripisyo.

Ayon sa Pangulo, ang paggawa ay hindi lamang para sa pansariling kapakanan kundi isang dakilang ambag sa kasaysayan ng Pilipinas.

Dagdag ng Pangulo, ang bawat araw na ang manggagawang Filipino ay kumakayod para sa sarili at pamilya, naroroon ang diwang handog para sa ikabubuti ng higit na nakararami.

Ipinanawagan din ng Pangulo na gawing pagkakataon ang pagdiriwang na ito upang makabuo ng mga konkretong hakbang na tutugon sa mga pangangailangan ng mga manggagawa, kabilang na rito ang kaligtasan sa lugar ng trabaho, karapatang pantao, at patas na oportunidad para sa maayos na kinabukasan.

Dagdag pa niya, ang mga polisiya ng pamahalaan ay dapat sumasalamin sa paniniwalang ang tunay na yaman ng bayan ay nasusukat hindi sa kita kundi sa dangal ng bawat Filipinong nagsusumikap.

Ibinida rin ng Pangulo na ang pamahalaan ay hindi lamang tagapagmasid sa pag-unlad, kundi aktibong katuwang ng sambayanan sa paglikha ng Bagong Pilipinas kung saan ang lipunan ay patas at makatarungan.

Kasabay nito, tiniyak ni Pangulong Marcos sa labor sector na patuloy ang pamahalaan sa pagtataguyod ng mga programang tutugon sa kanilang kapakanan, hindi lamang bilang tungkulin kundi bilang pagpapakita ng tunay na pagkilala at pasasalamat sa kanilang mahalagang papel sa lipunan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *