Malabong ma-impeach si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil lamang sa pagpapayag na maaresto si dating Pangulong Rodrigo Duterte.na nahaharap sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court.
Pahayag ito ng Palasyo ng Malakanyang bilang tugon sa hirit ni Vice President Sara Duterte na impeachable offense ang ginawa ng Pangulo.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, walang basehan ang pahayag ni Duterte.
“Ang opinyon na nanggagaling sa bise presidente ay walang pinanggagalingan, walang basehan,” pahayag pa ni Castro.
Nanindigan din si Castro na sinunod ng gobyerno ang proseso sa pakikipagtulungan sa Interpol at ito ay naaayon sa batas dahil ang dating Pangulo ay akusado at suspek sa crimes against humanity, partikular ang murder.
Iginiit din niya na hindi pagsuko ng soberanya ang ginawa ng gobyerno kundi pagsuko ng isang akusado.
“Ang pamahalaan, nagsuko man kay dating Pangulong Duterte, siya ay kinokonsiderang akusado, isang suspect sa crime against humanity, particularly murder na ang nagsampa ay kapwa Pilipino,” sinabi pa ni Castro.
