Nilagdaan na bilang bagong batas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Republic aact 12160 o Philippine Islamic Burial Act.
Sa ilalim ng bagong batas, polisiya ng estado na kilalanin at bigyang respeto ang karapatan ng Filipino Muslims na agad ilibing ang kanilang mga namatay na mahal na buhay bago ang susunod na tawag ng pagdarasal alinsunod sa kanilang religious customs at paniniwala.
Binibigyang diin sa batas na dapat mailibing ang namatay na Muslim meron o wala pa mang nailalabas na death certificate, basta ito ay mairi-report ng taong nagsagawa ng burial rites o ng sinumang kaanak ng namatay sa loob ng 14 na araw, sa local health officer na gagawa ng death certificate at magsi certify ng dahilan ng pagkamatay nito.
Kapag wala ang authorized health officer, kailangan itong ireport sa Office of the Mayor para siya ang gumawa ng mga kailangang dokumento at kung walang forensic interest sa namatay.
Kailangan ding maipasa ang death certificate sa Local Cvil Registrar sa loob ng 30 araw mula sa araw na maipalabas ito para mairehistro.
Nakasaad din sa batas na ang namatay na Muslim ay dapat mailabas sa loob ng 24 oras ng ospital, medical clinic, funeral parlor, morgue, custodial and prison facilities o iba pang katulad na pasilidad, o mula sa taong may kustodiya rito.
Kailangang ibalot ang namatay na indibidwal sa puting tela at nakalagay sa isang leak-proof cadaver bag o cadaver wooden box at dapat na naka taped o bandage strips.
Mahigpit na nakasaad na hindi dapat maging hadlang sa pagpapalabas sa namatay na Muslim ang bill nito sa ospital, o medical expenses, bayad sa doktor, halaga ng wrapping, o iba pang bayarin, basta kailangan lamang na magbigay ng promisory note ang kaanak nito para sa mga hindi nabayarang obligasyon.
Sinumang indibidwal, entity, kumpanya o korporasyon na pipigil na mailabas ang namatay na Muslim sa loob 24 oras mula sa pagkamatay nito ay parurusahan ng pagkakakulong ng hindi bababa sa isang buwan at hindi lalagpas ng anim na buwan at pagmumultahin ng hindi bababa sa 50,000 at hindi lalagpas sa P100,000 o pareho depende sa kautusan ng korte.
Ipalalabas ng Department of Health at National Commission for Muslim Filipinos ang mga kailangang patakaran at regulasyon o implementing rules and regulations 120 araw mula sa pagiging epektibo ng batas.
Magiging epektibo ang batas 15 araw matapos mailathala sa Official Gazette o anupamang pahayagan na may general circulation.
