Makiisa kayo sa eleksyon.
Payo ito ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga overseas Filipinos na bomoto sa eleksyon sa Mayo 12.
Sa video message, sinabi ni Pangulong Marcos na maaring bomoto ang mga overseas Filipino sa Online Voting and Counting System (OVCS) ng Commission on Elections.
Ayon sa Pangulo, ang bagong sistema ay mas accessible at secure para sa mga Filipinos na nasa abroad.
Mahalaga ayon sa Pangulo na makiisa sa
democratic process lalot ang online voting ay makaiiwas na sa tradisyunal na pagboto at mahabang pila.
“Tuluy-tuloy po ang overseas voting para sa Halalan 2025. Ito po ang inyong pagkakataong makilahok sa kinabukasan ng ating bayan,” pahayag ni Pangulong Marcos.
“Ngayon, mas madali na ang pagboto. Kahit nasaan kayo sa mundo, hindi na kailangang pumila o bumiyahe. Sa pamamagitan ng online voting, maipapahayag ninyo ang inyong boses ng mabilis, ligtas at maayos,” dagdag ng Pangulo.
Paalala ni Pangulong Marcos sa mga botante, suriing mabuti ang mga kandidato.
“Gamitin natin ang karapatang ito. Piliin natin ang kandidatong may malasakit, kakayahan at may paninindigan. Sa tamang pagpili, sama-sama nating buuin ang isang Bagong Pilipinas,” pahayag ni Pangulong Marcos.
